KORONADAL CITY – Isinailalim sa state of calamity ang dalawang barangay sa bayan ng Surallah, South Cotabato dahil sa mataas na kaso ng dengue.
Ito ang kinumpirma ni MDRRMO Leonardo Ballon ng bayan ng Surallah sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ballon, tumaas pa ngayong taon ang naitalang kaso ng dengue sa Barangay Buenavista at Barangay Libertad sa nabanggit na bayan kung ikumpara noong nakaraang taon na naging basehan ng pagdeklara ng state of calamity.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang clean up drive at fogging activities sa nabanggit na mga barangay upang mapatay ang mga pinagpupugaran ng lamok at hindi na dumami.
Maliban dito ay may isinasagawa din na rekorida at information drive ang Surallah LGU upang maipaabot sa mga residente ang peligro na dala ng sakit.
Kaugnay nito, nanawagan din ang opisyal na huwag dapat balewalain ang dengue ngayong nasa COVID-19 pandemic ang bansa.