-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang damage assessment ng T’boli LGU kaugnay sa pinsalang dala ng sunod-sunod na pag-ulan na naging dahilan ng mga insidente ng landslide sa bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Markin Pancala, ang T’boli Local Disaster Risk Management Officer, dalawang barangay ang apektado sa nasabing insidente na kinabibilangan ng barangay Maan at Laconon.

Dagdag ni Pancala, apektado ang kabuhayan ng mga residente dahil hindi madaanan ang mga kalsada papunta sa naturang mga barangay dahil sa lupa at nabuwal na mga punongkahoy.

Kaya nagpaalala ito sa mga residente na nasa low-lying areas at nasa malapit sa ilog at landslide-prone areas na mag-ingat at kaagad lumikas kapag sumungit ang panahon.