Namataan ang 2 barko ng Chinese maritime militia 30 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan isang araw bago ang Balikatan maritime exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na magsisimula ngayong araw ng Lunes, Abril 22.
Ito ang ibinunyag ni US maritime security expert Ray Powell sa kaniyang online account nitong araw ng Linggo.
Aniya, bumalik ang 2 malalaking Qiong Sansha Yu maritime militia vessel sa direksiyon ng Mischief Reef matapos na mamalagi ng 6 na oras malapit sa Ayungin shoal.
Sinabi rin ni Powell na hindi nito batid ang konteksto sa likod ng panibagong agresyon na ito ng mga barko ng China at tinawag ito na kakaibang aksiyon na posibleng layunin na magpaabot ng mensahe sa pagsisimula ng Balikatan exercise ngayong araw.
Samantala, una ng ipinaliwanag ni Armed Forces of the Philippines na ang naturang pagsasanay ay walang kinalaman sa anumang partikular na aksiyon ng isang bansa.
Ang pinakalayunin aniya nito ay para malinang ang kolektibong seguridad at kahandaan ng mga kalahok na bansa.
Gayundin sa kabila ng umiigting na agresyon ng China sa WPS, nilinaw ni AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla na ang naturang military exercise ay taunang event na layong mapalakas lamang ang defense capabilities at mga alyansa.