Sumadsad ang 2 sasakyang pandagat sa pantalan ng Batangas kaninang alas-3 ng madaling araw ngayong Huwebes, Oktubre 24 sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Ito ang iniulat ni Philippine Ports Authority (PPA) Assistant General Manager for Operations (AGMO) Atty. Mark Palomar sa Palace briefing ngayong araw.
Ang mga sumadsad na barko ay ang MTKR Cassandra at Super Shuttle RoRo 2.
Batay sa inisyal na ulat base sa isinagawang inspeksiyon ng port police sa may Passenger Terminal Building kaninang madaling araw, napansin ang masangsang na amoy na hinihinalang nagmula sa tumagas na langis. Dito, natuklasan na nagmula ang masangsang na amoy sa sumadsad na MTKR Cassandra na nakadaong sa ferry berth. Nakita rin ang langis sa tubig sa palibot ng barko.
Sa isinagawa ding inspeksiyon natangay mula sa pagkakangkla mula sa pantalan ang Super Shuttle Ro-Ro 2 at nagpalutang-lutang sa Multipurpose Berth 2 ng naturang pantalan.
Sa ngayon nagsasagawa na ng karagdagang imbestigasyon ang PPA para sa karampatang aksiyon sa naturang insidente sa kasagsagan ng bagyo.