Kinumpirma ng mga otoridad na nasawi ang dalawang bata matapos ang nangyaring sunog kagabi, Agosto 14, sa Brgy. Manga, Tagbilaran City Bohol.
Ang mga biktima ay isang tatlong taong gulang na babae at isang taong gulang na batang lalaki.
Habang kritikal naman ngayon ang kondisyon at patuloy na ginagamot sa ospital ang 53 anyos na ama ng mga biktima na kinilalang si Edgardo Lasco Sr.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay SF01 Irvin Bongalos ng Tagbilaran City Fire Station, kanyang sinabi na nagtamo ng lubhang pagkasunog sa buong katawan si Edgardo matapos sinubukan nitong iligtas ang kanyang dalawang anak na natutulog nang sumiklab ang sunog.
Sinabi pa ni Bongalos na natanggap nila ang alarma dakong alas 8:15 ng gabi at idineklara naman itong fire out makalipas ang 30 minuto.
Ayon pa sa kanya, tatlong kabahayan ang nadamay sa sunog kung saan mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa lamang sa mga light materials habang tinatayang nasa P25,000 ang halaga ng pinsalang iniwan.
Sinabi pa ni Bongalos na imposible pang makausap ngayon ang ama ng mga bata dahil sa natamong lubhang pinsala sa katawan nito.
Patuloy naman umano ang kanilang isinagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Samantala, nangako naman ang pamahalaang lungsod ng Tagbilaran na sasagutin ang mga gastusin sa pagpapalibing sa dalawang nasawi at ang bayarin sa ospital ni Lasco Sr.