Kinumpirma ni Department of National Defense Sec. Delfin Lorenzana na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpadala ng dalawang batalyon ng sundalo sa Middle East para tumulong sa paglilikas ang mga Pinoy workers sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Lorenzana, bukod pa ang pwersa sa mga ipapadalang barko at air assets ng gobyerno ng Pilipinas.
Paliwanag ng kalihim, hindi combat mission ang magiging sadya ng pwersang plano ipadala sa Gitnang Silangan, dahil para sa humanitarian concern umano ito.
Sa ngayon pinaplano pa rin naman daw ng pamahalaan ang mungkahi ng presidente. Pati ang rules of engagement sa pagde-deploy ng barko, air assets at mga sundalo.
Kumukuha naman na raw ng diplomatic clearance ang gobyerno para matiyak na hindi gagalawin ng foreign soldiers ang mga sundalo ng Pilipinas.
Nasa Alert Level 4 na ang estado ng mga Pilipino sa Iraq na siyang pinakamataas na antas ng travel advisories ng Department of Foreign Affairs sa mga Pilipino sa ibang bansa.