ROXAS CITY – Lubog sa tubig baha ang dalawang bayan sa lalawigan ng Capiz dahil sa malakas na buhos ng ulan dala ng bagyong Dante.
Kabilang dito ang bayan ng President Roxas at Dumarao kung saan ilang barangay ang hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil sa pagtaas ng tubig baha.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Judy Grace Pelaez, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sinabi nito na patuloy ang monitoring at naka-alerto na ang lahat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa kabayanan para magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Samantala kinumpirma naman ni Mayor Receliste ‘’Tanoy’’ EScolin ng bayan ng President Roxas, Capiz na may 12 pamilya o 66 na indibidwal na mula sa Barangay Poblacion ang nasa evacuation center matapos nilisan na ang kanilang mga bahay simula pa kahapon.
Binigyan na rin ng food packs ang mga evacuees na kasalukuyang nasa evacuation center.
Sa kabilang dako, suspendido na rin ang mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Roxas City dahil sa bagyong Dante.