ROXAS CITY – Isinailalim na ngayon sa state of calamity ang dalawang bayan sa lalawigan ng Capiz, dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng sakit na dengue.
Unang nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng Pontevedra, kung saan umabot sa 200 ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.
Sumunod na rin kahapon na nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng President Roxas, Capiz.
Ayon kay President Roxas Mayor Receliste Tanoy Escolin na siya mismo ang nagrekomenda sa sangguniang bayan na isailalim sa state of calamity ang kanilang bayan upang lalo pang matutukan ang kampanya kontra sa naturang sakit.
Napag-alaman na umabot na ngayon sa 156 ang kaso ng dengue sa bayan ng President Roxas simula noong buwan ng Enero.
Samantala kasunod nang pagsasailalim sa state of calamity sa naturang bayan ay magagamit na rin ng lokal na gobyerno ang kanilang calamity fund upang mas mapaigting ang kanilang kampanya kontra dengue.