-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinag-aaralan na ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR) kung irerekomenda nila sa COMELEC ang pagsasailalim sa ilang bayan sa Mt. Province bilang area of concern sa nalalapit na halalan dahil sa presensiya at aktibidad ng mga komunistang New People’s Army.

Sa pagbisita ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa Benguet, sinabi niya na pwedeng isailalim sa “red category” ng election hotspot ang mga lugar na may sightings o presensiya ng mga armadong grupo at ng mga komunistang NPA gaya ng mga bayan ng Bauko at Tadian sa Mt. Province.

Kasabay nito ay iniutos niya na manatili ang full alert status ng lahat ng unit ng pulisya sa Mt. Province laban sa mga posibleng plano o tangka ng mga komunista.

Sinabi naman ni Cordillera PNP Regional Director Police Brigadier General Ephraim Dickson na magkakaroon sila ng koordinasyon sa COMELEC para sa nasabing isyu.

Sinabi niya na ang mga bayan ng Sadanga at Bontoc ang kasama sa red category ng election hotspots sa nasabing lalawigan para sa nalalapit na halalan.

Samantala, nagsagawa ang 19 na mga barangay ng bayan ng Tadian ng peace rally at unity walk kahapon kung saan inihayag nila ang mahigpit nilang pagkondina sa mga komunista sa kanilang lugar.

Ipinasigurado naman ni Governor Bonifacio Lacwasan Jr. na nananatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang lalawigan sa kabila ng nangyaring engkwento sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunistang NPA sa Bauko at Tadian na ikinasawi ng dalawang pulis at ikinasugat ng 10 iba pa.