KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawang bayan sa North Cotabato at isang barangay naman sa South Cotabato ang isinailalim na sa state of calamity dahil sa malawagang baha dulot ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ito ang inihayag ni OCD 12 Information Officer Jorie Mae Balmediano sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, ang mga bayan ng Magpet at Kabacan ang unang nagdeklara ng state of calamity dahil sa libo-libong pamilyang apektado at ekta-ektaryang pinsala ng baha ang iniwan sa mga bahay, alagang hayop, pananim at pangkabuhayan ng mga residente sa nabanggit na lugar.
Nadagdag sa mga lugar na ito ang Barangay Cacub sa lungsod ng Koronadal kung saan nasa halos 100 ang apektadong indibidwal dulot ng hanggang leeg na baha noong nagdaang araw.
Maraming kabahayan, livestock at pananim na palay dinng mga residente ang sinira ng baha kung saan may higit 20 pamilya pa na kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation center sa ngayon.
Maliban dito may 4 na mga barangay pa ang nagsasagawa ng damage assessment sa ngayon sa epekto ng kalamidad kung saan pag-aaralan din ang pagdeklara ng state of calamity sa buong lungsod.
Kaugnay nito, patuloy naman ang monitoring ng OCD sa iba pang mga probinsiya gaya ng Saranggani at Sultan Kudarat lalo na ang mga lugar na nasa flash flood at landslide prone areas.
Nanawagan naman ng kooperasyon ang OCD sa lahat ng mga residente sa Socksargen na maging alert at vigilante sakaling bumuhos namang muli ang malakas na ulan dulot ng masamang panahon.