KORONADAL CITY – Dalawang bayan sa North Cotabato ang isinailaim sa red category o grave concern sa nalalapit na eleksiyon dahil umano sa intense political rivalry.
Ito ang inihayag ni Deputy Provincial Police Officer Police Lt Col Bernard Tayong sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon kay Tayong, ang ilang mga barangay sa Pikit ay kabilang na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ngunit tututukan pa rin ito ng Cotabato Provincial Police Office ngayong Election Campaign hanggang Election period.
Kasama din sa kanilang bibigyang pansin ay ang mga lugar sa Banisilan.
Ibig sabihin ng red category, mas mataas ang requirement of security dahil sa presensya ng ibat-ibang grupo sa kanilang lugar at may karahasang nangyari o natatanggap na pagbabanta sa nakalipas na mga eleksyon.
Bahagi anya ito ng transition period dahil sila ay boboto pa naman sa National Candidates at ngayon may koordinasyon sa PNP- BARMM.
Bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon, nagsasagawa na ngayon ang PNP ng pulong-pulong sa Barangay Officials na makakatulong rin sa kanilang kampanya.
Bukod sa pagbabantay na mapanatiling matiwasay ang panahon ng eleksyon, titiyakin rin ng mga otoridad na nasusunod ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa ngayon, isa ang nahuli at nasampahan na ng kaso dahil sa election gun ban violation.
Matatandaan na noong nakaraang eleksiyon sa bayan ng Pikit din naitala ang agawan ng ballot boxes ng mga armadong grupo.
Samantala, aasahan namang madadagdagan pa ang PNP personnel sa North Cotabato mula sa higher office ngayong panahon ng eleksyon.