-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Apektado sa ngayon ng landslide, flash flood at mga tension cracks ang dalawang bayan sa lalawigan ng South Cotabato dulot ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dahil sa Low Pressure Area at Intertropical Convergence Zone (ITCZ).

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tboli Mayor Dibu Tuan, pahirapan sa ngayon ang pagbaba mula sa mga bulubunduking barangay sa kanilang bayan ng mga residente at produkto ng mga ito dahil sa mga nasirang daan dulot ng flash flood at landslide.

Ayon kay Mayor Tuan, hangga’t patuloy ang pagbuhos ng ulan ay mahihirapan silang ayusin ang mga nasirang daan kaya’t hiling din nito ang pag-unawa ng publiko.

Samantala, kinumpirma naman ni Mayor Floro Gandam na may mga landslide na nangyari sa ilang mga barangay sa kanilang bayan dahil rin sa landslide at flash flood.

Sa katunayan may nahulog umanong Ten Wheeler truck sa bangin dahil sa nasirang daan at may mga residente na inilipat dahil sa nakitang mga tension cracks sa Sitio Kibang.

Kaugnay nito, nananawagan ang mga alkalde ng nabanggit na mga bayan sa mga residente sa kanilang lugar na maging vigilante at alerto ngayong palaging bumubuhos ang ulan.