-- Advertisements --

LAOAG CITY – Parehong patay ang dalawang beautician matapos sumalpok sa puno ang sinakyan nilang motorsiklo sa national highway bisinidad ng Barangay Peralta, Dingras, Ilocos Norte.

Nakilalala ang mga biktima na sina Jay-em Duldulao, 29, drayber ng motorsiklo, taga Barangay Manayun sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte, at ang angkas nitong si Joven Javier, 34, walang asawa taga-Sta. Ana, Cagayan, at parehong beautician.

Ayon sa imbestigasyon ng PNP-Dingras, habang pakanlurang direksyon ang motorsiklo na sinakyan ng mga biktima ay mabilis umano ang pagpapatakbo at nawalan ng kontrol na naging dahilan sa pagsalpok nila sa puno ng eucalyptos.

Dinala kaagad ang mga biktima sa Dingras District Hospital pero pareho silang idineklarang dead on arrival dahl sa mga tinamo nilang malalang sugat lalong-lalo na sa kanilang ulo.

Kinumpirma ni Capt. Joseph Calderon, chief of police ng PNP-Dingras na nanggaling ang mga biktima sa isang inuman.