-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagkasagupa ang tropa ng militar at mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Sergeant Jungie Dizon, nakatalaga sa 6th Infantry Battalion Philippine Army at residente ng Silos Murcia, Negros Occidental.

Patay naman sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) sina alyas Mushid at alyas Jaamil.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade na habang nagpapatrolya ang militar sa liblib na lugar sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao ay bigla itong pinaputukan ng mga terorista.

Agad gumanti ng putok ang mga sundalo laban sa mga rebelde na tumagal ng kalahating oras.

Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ang ilan sa mga ito patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.

Umatras ang mga terorista papasok ng SPMS Box nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang mortar.

Dalawa sa mga rebelde ang nasawi at marami ang nasugatan habang isang sundalo ang binawian ng buhay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pursuit operation ng Joint Task Force Central laban sa BIFF sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.