-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nahuli ng mga otoridad ang dalawang miyembro ng Dawlah Islamiya Terror Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sangkot sa pambobomba sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga suspek na sina Sultan Baguinda Guialil at Mohammad Baguindanao Candado na mga tauhan ni Kumander Kagui Bayan ng BIFF.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na tumanggap sila ng impormasyon mula sa mga sibilyan aaligid-aligid umano ang mga suspek sa Barangay Poblacion Datu Piang Maguindanao.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang Datu Piang PNP,Maguindanao Police Provincial Office katuwang ang militar kung saan inaresto sina Guialil at Candado.

Narekober sa mga suspek ang dalawang kalibre.45 na pistola,dalawang granada,mga bala at magazine.

Sinabi ni Colonel Arnold Santiago na sina Guialil at Candado ang itinurong nanghagis ng granada malapit sa Datu Piang Municipal Police Station at malapit sa catholic church.

Inamin naman ng dalawa na inutusan lang umano sila ni Kumander Kagui Bayan bilang bahagi ng kanilang test mission.

Sa ngayon ay nakapiit na ang mga suspek sa costudial facility ng Datu Piang PNP at nakatakdang sampahan ng kaso.