-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naghahanda ang kasundaluhan sa malaking posibilidad ng retaliatory attack ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos na masawi ang dalawang mga kasamahan nito mula Karialan Faction matapos na makipagbarilan sa tropa ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa Brgy Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao.

Kinilala ni LtCol. Dennis Almorato, tagapagsalita ng 6th ID Phil. Army ang isa sa mga nasawi na si Omar Indong habang unidentified naman ang kasama nito.

Ayon kay Almorato, isang Payong-payong (tricycle) umano ang huminto ‘di kalayuan sa checkpoint ng sundalo sa nasabing lugar kaya’t agad na nagbantay ang mga ito.

Una umanong nagpaputok ang mga kaaway kayat napilitan na gumanti ang mga sundalo hanggang nangyari ang palitan ng putok.
Mabilis namang isinugod ang mga sugatang suspek sa Integrated Provincial Health Office – Maguindanao pero hindi na umabot ng buhay ang dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 na pistol, magazine at mga bala kasama na ang isang unit ng Payong-payong.

Kalaunan napag-alaman ng Shariff Aguak PNP ang dalawa ay kasapi ng BIFF-Karialn Faction sa ilalim ng pamumuno ni kumander Kamir Kambal alias Mhedz at kumander Abdulkarim Lumbatan alias Boy Jacket.

Dahil dito, nasa anim (6) na mga BIFF na ang nasawi habang 175 ang nagbalik-loob sa pamahalaan simula noong buwan ng Enero nitong taon.