CENTRAL MINDANAO-Nagsilikas ang maraming sibilyan sa kalat-kalat na sagupaan ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon sa ulat ng 6th ID Philippine Army na namataan ng mga sundalo ang presensya ng BIFF sa Barangay Ahan Guindulungan Maguindanao.
Agad nagsagawa ng calibrated law enforcement operation ang Joint Task Force Central at nakasagupa ang mga rebelde.
Dahil sa tindi ng engkwentro ay lumikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa gulo.
Wala namang nasugatan sa mga sundalo habang dalawa ang napaulat na nasawi sa BIFF at apat ang nasugatan.
Mismong mga bakwit ang nagkumpirma sa mga nasawi at nasugatan sa mga terorista.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng militar ang BIFF sa bayan ng Guindulungan Maguindanao.