-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Dalawang mga terorista ang nasawi sa engkwentro ng militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Katib Amerudin at Madzid Sangid, umano’y mga miyembro ng Dawlah Islamiyah ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pamumuno ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife.

Ayon sa ulat ng 601st Brigade, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nakasagupa nila ang mga rebelde.

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Agad namang umatras ang BIFF papasok ng Liguasan Delta nang pasabugan sila ng mortar ng mga kawal ng gobyerno.

Dalawa sa BIFF ang nasawi habang wala namang nasugatan sa panig ng mga sundalo.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 33rd IB laban sa BIFF sa bayan ng Mamasapano.