CENTRAL MINDANAO – Pagod na umano sa pagtatago at gusto ng mamuhay ng mapayapa ng dalawang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kaya sumuko sa lalawigan ng Maguindanao.
Ang mga rebelde ay tauhan umano ni Kumander Ustadz Karialan ng BIFF Karialan faction.
Sumuko ang dalawang terorista kay Datu Montawal Mayor Datu Ohto Montawal, sa pakipagtulungan ng PNP-BAR Regional Intelligence Unit (RIU-15), PNP-Special Action Force (SAF) at Datu Montawal PNP sa pamumuno ni Captain Razul Pandulo.
Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang isang .50 caliber Barret sniper rifle at mga bala.
Agad namigay ng tig-isang sakong bigas at cash assistance ang mag-amang Mayor Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal sa dalawang BIFF na sumuko.
Sinabi ng isa sa mga rebelde na tiwala at mabuting pamamahala ni Mayor Montawal ang nag-udyok sa kanila para sumuko.
Hinikayat naman ni Mayor Montawal ang ibang BIFF at mga armed lawless group na sumuko na at tutulungan sila ng gobyerno sa kanilang pagbabagong buhay