-- Advertisements --

BAGUIO – Dinampot ang dalawang kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) dahil sa umano’y pambabastos sa dalawang pulis na nagpatupad ng curfew ordinance sa isang bahay inuman sa Shagem Street, Baguio City.

Nakilala ang mga suspek na sina George Fumokao, 45, at Edgar Fumokoa 41, kapwa residente ng Mines View sa nasabing siyudad.

Batay sa blotter ng pulisya, habang nagpapatupad ng curfew sina P/SSgt. Jefree Tacata at si P/Pat. Jerwin Binwag sa mga inuman ay nilapitan nila ang dalawang suspek at pinagsabihang umuwi na dahil sumapit na ang curfew hour.

Gayunpaman, hindi pinansin ng mga suspek ang dalawang pulis at nagsalita pa sila ng masama na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nahaharap na ngayon ang dalawa sa kasong Serious Disobedience to Agents or Persons in Authority.