-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Bomb Expert ang dalawang nasawing bomb courier sa barilan ng mga pulis sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ang mga nasawi na sina Guimaludin Kasan, 32-anyos,may asawa at alyas Bronx ay mga tauhan ni Kumander Bungos ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Bungos faction) na mga residente ng Barangay Macasampin Guindulungan Maguindanao.

Matatandaan na sakay ang mga suspek ng isang multicab ngunit nang dumaan ito sa Comelec checkpoint sa Purok Paglaum Barangay Poblacion Esperanza Sultan Kudarat ay hindi ito huminto.

Hinabol ang dalawa ng mga pulis at inabutan sa bahagi ng Purok Maligaya Barangay Sagasa Esperanza Sultan Kudarat nang bumangga ang kanilang sinakyan na multicab.

Imbes na sumuko ay nakipagbarilan ang mga suspek sa mga pulis kaya malubha itong nasugatan.

Naisugod pa sina Kasan at Bronx sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Narekober sa posisyon ng mga nasawi ang 40 pakete ng shabu, mga assorted IDs, caliber 22 , cal. 20 pistol at isang improvised explosive device (IED).

Target sanang magpasabog ang mga nasawi sa di pa matiyak na lugar ngunit nasabat ng mga pulis at sundalo ang kanilang plano.

Sangkot rin sa illegal drug trade ang mga suspek sa bahagi ng Maguindanao,Sultan Kudarat at South Cotabato.

Pinabulaanan naman ng pamilya ng mga nasawi na sila ay terorista.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng Joint Task Force Central ng militar at pulisya ang pagbabantay sa Central Mindanao sa posibling paghihiganti ng mga kasamahan ng dalawang nasawi.