Inaasahang maipapasakamay na sa Pilipinas ang dalawang brand-new na 3,200-ton warship na parehong gawa sa South Korea.
Ito ay matapos na opisyal na isagawa ang launching ceremony sa isa sa mga nabanggit na warship sa HD Hyundai Heavy Industries (HHI) naval shipyard sa Ulsan, South Korea.
Ayon sa South Korean embassy sa Manila, ang naturang aktibidad ay dinaluhan nina Armed Forces of the Philippines (AFP) chief, Gen. Romeo Brawner Jr., Philippine Navy chief Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta, Department of National Defense (DND) Undersecretary for acquisition and resource management, Salvador Melchor Mison Jr. at mga kinatawan ng Hyundai company.
Ang unang barkong pandigma ay tatawaging BRP Diego Silang – ipinangalan sa Pilipinong bayani na nakipaglaban sa mga Espanyol noong kalagitnaan ng 1700 hanggang sa tuluyan siyang napatay noong 1763.
Ayon sa Korean Embassy, ang BRP Diego Silang ay sister ship ng BRP Miguel Malvar na una na ring umalis sa naturang shipyard patungong Pilipinas at inaasahang darating sa Subic shipyard sa Abril-8.
Ang dalawang corvette ay mayroong anti-ship, anti-submarine at anti-aircraft capabilities.
Bahagi ang mga ito ng P28-billion contract sa pagitan ng DND at Hyundai Heavy Industries (HHI) na pinirmahan noong 2021 at magiging bahagi ng fleet modernization project ng Philippine Navy.