BACOLOD CITY — Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa sanhi ng away ng dalawang bumbero sa lungsod ng Bacolod na nagresulta sa saksakan sa Christmas party kung saan isa ang patay at isa ang sugatan.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa commander ng Bacolod Police Station 2 na si Police Major Sherlock Gabana, dead on arrival sa ospital si Fire Officer 3 Isaac Cabana matapos tamaan sa leeg.
Samantala, ginagamot pa ngayon sa Riverside Medical Center si Fire Officer 3 Cornelio Silva matapos tamaan sa likod at baywang.
Linggo ng gabi ng nagsagawa ng Christmas party ang Bureau of Fire Protection Bacolod sa labas mismo ng kanilang opisina sa Purok Fire, Barangay 8.
Nitong Lunes ng madaling-araw, nakita ng kanilang mga kasamahan na magkayakap ang dalawa kaya’t kanilang inisip na nakainom lang ang mga ito.
Nang kanilang lapitan, duguan na ang dalawa at may maraming sugat.
Nakita naman sa tabi ng mga ito ang kutsilyo na ginamit ng bawat isa sa krimen.