-- Advertisements --

VIGAN CITY – Magkahalong hinagpis at panghihinayang ang nararamdaman ng isang pamilya matapos mamatay ang isang dalawang buwang gulang na sanggol sa aksidenteng kinasangkutan ng mga ito sa national highway ng Barangay Magsaysay, Santa, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, kalong umano ni Elena de Guzman Manuel ang anak nito na si Jelyn Munar habang sakay ang mga ito ng kurong-kurong na minaneho ni Geralbie Bodaño Manuel, 39-anyos nang makarating ang mga ito sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Magsaysay, Santa, pinaniniwalaang nawalan ng balanse ang monoblock chair na kina-uupuan ng mag-ina kaya aksidenteng nabitawan ni Elena ang anak nito.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan si Elena at si Jelyn kaya naitakbo ang mga ito sa pinakamalapit na ospital ngunit nailipat ang mga ito sa Ilocos Sur Provincial Hospital – Gabriela Silang ngunit idineklerang dead on arrival ang sanggol dahil sa malalang sugat sa ulo na natamo nito.

Ang mga biktima na taga- Bautista, Caba, La Union ay galing umano sa lalawigan ng Abra at papunta sana ang mga ito sa kanilang kamag-anak sa Barangay Paoa, Vigan City, Ilocos Sur nang mangyari ang aksidente.