CAUAYAN CITY- Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang magpinsan na carwash boy sa Roque Street, Purok 3, Brgy. Centro West, Santiago City
Ang mga inaresto ay ang magpinsan na sina Jeromiah Alexis Sagun, 47 anyosat Gino Giron, 51 anyos, kapwa carwash boy at residente ng nabanggit na lugar.
Isinagawa ang drug buybust operation ng pinagsanib na pwersa ng City Drug Enforcement Unit, PDEA region 2 at Santiago City Police Office Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.
Nahuli sa aktong nagtutulak ng isang sachet nang hinihinalang Shabu ang magpinsan sa isang PDEA agent na Poseur Buyer kapalit ng P1,000.
Nakuha sa pagiingat ni Jeromiah ang buybust money na ginamit sa transaction kabilang ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu .
Mariing pinabulaanan ng mga suspek ang paratang na pagtutulak ng illegal na droga at nagulat na lamang umano sila nang dumating ang mga otoridad kung saan sila nagtatrabaho.
Hindi naman itinanggi ng magpinsan na dati na silang nasangkot sa iligal na pagtutulak ng droga ngunit itinigil na nila ang nasabing illegal na gawain at pinasok ang trabahong pagka-Carwash.
Ayon sa mga otoridad ang mga suspek ay kabilang sa high value individual list na kasalukuyan nang nakapiit sa Santiago City Custodial Facility.