Namataan din ang dalawang barko ng China Coast Guard (CCG) 3301 at 3104 sa tinatayang 70 hanggang 75 nautical miles mula sa baybayin ng Luna, La Union nitong Lunes, Pebrero 3.
Ang naturang mga barko ng China ay unang napaulat na namataan 34 nautical miles mula sa baybayin ng Bolinao, Pangasinan, na ayon kay Philippine Coast Gurad (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ay maituturing na pinakamalapit ng deployment ng mga barko ng China sa coastline ng Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi pa ng opisyal na nagmula ang 2 CCG vessels sa Mindoro, saka umakyat patungong Pangasinan at nitong Lunes naispatan na nasa baybayin ng La Union.
Aniya, patuloy ang pagkilos ng 2 barko ng CCG hindi tulad ng tinaguriang Monster ship na umaaligid lang sa may baybayin malapit sa Zambales.
Hindi pa alam aniya sa ngayon kung saan maglalagi ang naturang mga barko ng China subalit patuloy ang pagbuntot ng dalawang barko ng Philippine Coast Guard na BRP Cabra at BRP Bagacay na idineploy para i-challenge ang iligal na presensiya ng 2 CCG vessels.
Naniniwala naman ang PCG official na nais ng China na gawing normal ang kanilang iligal na pagpapadala ng CCG vessels sa loob ng ating exclusive economic zone.
Bunsod nito, nagpahayag aniya ng commitment ang Commandant ng Philippine Coast Guard na si Admiral Ronnie Gil Gavan na pigilang gawing normal ang ganitong mga iligal na aksiyon ng CCG dahil mananatili silang vigilant at sisiguraduhing hindi na tumindi pa ang tensiyon.