-- Advertisements --

CEBU CITY- Biyaheng Kampar Malaysia na ngayong araw, Hulyo 11, ang dalawang Cebuano triathletes para sasabak sa 2024 Asia Triathlon Junior Cup.

Lalahok sa youth elite women’s category si Cristy Ann Perez habang si Matthew Justine Hermosa naman para sa junior elite men’s category.

Gaganapin ang kompetisyon ngayong weekend.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay national triathlon coach Roland Remolino, sinabi nito na malaking race ito at maraming bansa ang lalahok gaya na lamang ng Japan at Kazakhstan.

Sinabi pa ni coach Remolino na ang dalawa lamang na triathletes ang ipapadala mula sa Cebu dahil nasa labas naman umano ng bansa ang iba Philippine team.

Aniya ang ibang youth at junior elite ay nagsagawa ng camp sa iba’t ibang bansa bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa naturang kompetisyon.

Nang tanungin naman kung bakit wala itong mga sakop na atletang lumahok sa Palarong Pambansa, ibinunyag nito na target pa nila ang mga international na kompetisyon.

Sinabi pa nito na isasabak sa ibang bansa ang hawak nitong mga atleta upang masanay umano ang mga ito at magkaroon ng maraming exposure.