Nag-uwi ng gintong medalya ang dalawang Cebuano triathletes sa ginanap na Perak Triathlon 2024 noong Hunyo 29-30 sa Pangkor, Malaysia.
Nasungkit ni Southeast Asian Games (SEAG) medalists Andrew Kim Remolino at Raven Faith Alcoseba ang gold medal sa men’s at women’s elite overall categories.
Tinapos ni Remolino ang race sa loob ng 1:10:32 habang si Alcoseba naman sa loob ng 1:18:10.
Maliban sa dalawa ay nakasungkit ng silver medal ang isa pang Cebuanong si Matthew Justine Hermosa.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay national triathlon coach Roland Remolino, ibinahagi nito na ang koponan ng Pilipinas ay binubuo ng kabuuang 12 Cebuano triathletes dahil ang karamihan sa mga team pa umano ay nagsagawa ng camp sa iba’t ibang mga bansa.
Nakalaban naman ng mga ito ang mga atleta mula sa ibang mga bansa gaya ng Singapore, Malaysia, Thailand, Indonesia, France, at marami pang iba.
Bukod sa nakakuha ng mga medalya ay nagtapos naman sa ika-limang pwesto si Renz Wynn Corbin, pampitong pwesto si John Michael Lalimos at Nicole Marie Del Rosario, at Jacob Tan sa ika-17 pwesto.
Sa Men’s Sprint 16-29 category naman, nasungkit ni Johnwayne Ybanez ang gintong medalya matapos tinapos ang race sa loob ng 1:9:51.
Sa ngayon, ibinunyag pa nito na aalis na naman sila sa susunod na linggo para sa Youth and Junior Asian championship na gaganapin pa rin sa bansang malaysia kung saan ipapadala pa rin ang Cebuanong sina Hermosa para sa Junior elite at Cristy Ann Perez para sa youth elite.