-- Advertisements --

LAOAG CITY – Sumadsad ang dalawang Chinese foreign vessels sa karagatan ng Brgy. Victoria sa bayan ng Currimao dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay Lt. Joseph Christian Sagun, Provincial Commander Coast Guard ng Ilocos Norte, ang dalawang sasakyang pandagat ay Panphil8 at MV Aries at kapwa mula sa China.

Aniya, dakong alas-12 ng hatinggabi nang mapansin ng mga tauhan ng Provincial Office na unti-unti nang sumasadsad ang Panphil8 kaya tinawagan nila ito at sinabing hinila ang kanilang angkla dahil sa malakas na hangin at alon dulot ng Bagyong Marce.

Sabi niya, habang naghahanap ng magandang pwesto ang MV Aries dahil sa malakas na hangin at alon, bigla silang nagkaproblema sa makina hanggang sa sumadsad ito.

Paliwanag niya, kinabukasan ay agad nilang pinuntahan ang dalawang barko kung saan walang oil spill o pinsala ang nangyari sa mga barko.

Binanggit niya, nasa probinsiya ang dalawang barko dahil magpapalit sila ng rehistrasyon para sa Philippine Registry.

Kaugnay nito, sinabi ni Lt. Sagun na dumating lamang ang Panphil8 noong Lunes habang ang MV Aries ay limang buwan nang naka-istasyon sa lalawigan.

Dagdag pa niya, hinihintay nila ang mga kinauukulang ahente ng dalawang barko na magkasundo sa susunod na planong alisin ang mga ito sa lugar kung saan sila nakadaong.

Samantala, ligtas din ang 15 crew members ng Panphil8 at 10 crew members ng MV Aries.