-- Advertisements --

Arestado ang dalawang Chinese sa magkahiwalay na operasyon ng Bureau of Immigration – Fugitive Search Unit sa Cebu at Parañaque City dahil sa kaso nitong overstaying at pagiging pugante sa China.

Sa isang pahayag, iniulat ng ahensiya na naaresto si Zhu Yuanjing noong April 17 sa Mandaue City, Cebu. 

Ito ay alinsunod sa deportation na inisyu ng BI board of commissioners noong nakaraang taon matapos lumabas sa imbestigasyon nito na overstaying na si Zhu at nagta-trabaho sa bansa nang walang permit. 

Napag-alaman na si Zhu ay nagta-trabaho sa isang online gaming hub sa Pasay City na sinalakay ng lokal na awtoridad noong nakaraang taon dahil sa umano’y mga kriminal na gawain tulad ng human trafficking at cyber fraud. 

Samantala, kinilala ang isa pang Tsino na si Ma Mingjie na inaresto sa Parañaque City dahil sa pagiging pugante sa China sa kasong $8-M fraud 

Kasalukuyang naka-detine ang dalawang Tsino sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang deportasyon.