Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad tungkol sa pagkakakilanlan ng dalawang Chinese na napatay sa isang follow up operation ng pulisya sa bahagi ng Forest Park, lungsod ng Angeles, Pampanga.
Kaninang alas-9:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng PNP-Anti-Kidnapping Group (AKG) laban sa dalawa na umano’y mga kidnappers.
Ayon kay PMaj. Rannie Lumactod, spokesperson ng AKG, batay sa inisyal na pagsisiyasat, nilapitan daw ng kanilang operatiba ang isang sasakyan na may sakay na Chinese nang bigla sila nitong paputukan ng baril.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkaksawi ng mga suspek.
Sugatan naman ang isang pulis na kinilalang si PCpt. Mike Diaz.
Agad dinala sa ospital si Diaz para malapatan ng lunas matapos matamaan sa kanang paa.
Narekober sa crime scene ang dalawang kalibre 45 na baril, isang M4 carbine, at ang Hyundai Starex na sinakyan ng mga suspek.
Konektado ang operasyon sa isinagawa ring operasyon ng AKG noong June 6, kung saan 2 Chinese ang nadakip dahil sa pagdukot sa kanilang mga kapwa Chinese at noong June 1 kung saan 3 Chinese naman ang nasagip.