BUTUAN CITY – Nag-extend na ng kanilang tourist visa sa Bureau of Immigration (BI) Surigao City ang dalawang mga Chinese nationals na kasabay sa flight ng unang nagpositibo sa novel coronavirus (nCoV) sa bansa mula sa kanilang biyahe sa Hong Kong hanggang Cebu noong Enero 21.
Ito ay matapos makumpirma ng Surigao City Health Office na wala silang nakitang problema sa kanila partikular sa mga sintomas matapos isinailalim sa 14-araw na quarantine kung kaya’t pinahihintulutan na silang makabalik sa Siargao Island sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Ayon kay Dr. Juz Nicolas, ang medical surveillance coordinator ng Surigao City Health Office, nakatanggap sila ng tawag mula sa Bureau of Immigration kung saan inatasan silang suriin ang nasabing mga pasyente sa Caraga Regional Hospital at dito na nakumpirmang wala silang health problems.
Dito na rin sila nagdesisyon kasama ang kanilang mga opisyal ng Department of Health (DOH) Caraga na payagang maka-extend ng kanilang bakasyon ang nasabing mga turista.