Inihain sa Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kriminal laban sa 2 Chinese national na naaresto sa pagsalakay sa Lucky South 99 Corporation, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Deputy City Prosecutor Darwin Cañete, pinangunahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga Chinese na sina Qin Ren Guo, 37, at Jian Shi Guang na inakusahan ng mga paglabag sa Section 4a ng Republic Act (RA) 10364 o ang Anti Human Trafficking Act at robbery with violence or intimidation of persons, serious physical injuries, kidnapping and serious illegal detention bilang paglabag sa Revised Penal Code (RPC).
Sinabi ni Cañete na nakakulong na ang dalawang Chinese dahil lumabag din sila sa immigration laws kayat nasa kustodiya sila ng PAOCC.
Isinampa ang mga kaso laban sa 2 Chinese national ng 2 complainant na pawang mga Chinese din na hindi na ibinunyag ang mga pangalan.
Sinabi ni Cañete na isa sa mga nagrereklamo ay natagpuan ng law enforcers na binugbog at ikinandado sa iaang silid ng compound.
Ang ginagawa umano ng mga salarin ay naglalagay sila ng mga manggagawa dito mula sa ibang bansa upang magtrabaho sa mga POGO hub na ito sa pamamagitan ng puwersa o pananakot.
Kaugnay nito, mas marami pang kaso ang isasampa kaugnay sa ni-raid na Lucky South 99 Corporation.