Binuntutan ng 2 barko ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) ng China ang Philippine at Japan Navies habang nagsasagawa ng bilateral maritime cooperative activity (MCA) sa West Philippine Sea kahapon, Agosto 2.
Tinukoy ng Armed Forces of the Philippines ang 2 barko ng China na Jiangdao-class corvette 624 at Jingkai class frigate 574.
Tinatayang nasa 4 nautical miles at 4.9 nautical miles ang distansiya ng 2 barkong pandigma ng China mula sa kinaroroonan ng mga barkong BRP Jose Rizal ng Pilipinas at JS Sazanami ng Japan.
Bagamat nilinaw naman ng AFP na hindi lumapit o hinarang ng mga Chinese vessels ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat ng PH at Japan.
Masusi din aniya nilang binantayan ang presensiya ng Chinese warships at nagpatuloy din ang naturang maritime activity ng PH at Japan sa WPS sa layuning mapahusay pa ang tactical capabilities at pagpapalakas ng kooperasyon sa pagitan ng 2 hukbo.