-- Advertisements --

(Update) CEBU CITY – Nahaharap ang isang kapitan at assistant nito ng kasong reckless imprudence resulting to homicide matapos na malunod ang dalawang Chinese nationals sa Brgy. Duljo, Panglao, sa lalawigan ng Bohol.

Patay ang mga biktima na sina Luo Rennie, 63, at Lan Rong, 56, matapos malunod sa gitna ng karagatan noong Disyembre 29 sa nasabing lugar.

Nahuli naman ng mga otoridad ang kapitan ng paraw sailboat na si Rufino Labastida, 46, at assistant nitong si Randy Anligues, 24.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG-7) na si Lt. Junior Grade Michael John Encina na sumakay sa naturang sailboat ang hindi bababa sa 10 Chinese nationals nang walang life vest.

Nahulog ang dalawa sa mga sakay nito sa dagat dahil sa lakas ng alon at nalunod.

Dagdag pa ni Encina na bukod sa walang clearance, hindi isinailalim ang naturang sailboat sa pre-departure inspection ng PCG bago pa ito lumayag.

Nakakulong ngayon ang kapitan at assistant sa Panglao Police Station habang nakahimlay ngayon ang mga biktima sa isang funeral house.