BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Atty. Racquel Limbaco, election supervisor ng Commission on Elections-Surigao del Norte, na ang dalawang nanalong kongresista pa lang sa nasabing lalawigan ang tangi nilang naiproklama kaninang madaling araw.
Ito’y dahil na rin sa apat na araw na delay ng canvassing of votes na hatid ng problema nila sa pagpalya ng 48 SD (secure digital) cards kung saan ginawa ang configuration sa Sta. Rosa, Laguna, bago nai-download sa kanila.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Atty. Limbaco na tanging sina Surigao del Norte 1st District Congressman-elect Bingo Matugas at 2nd District Congressman-elect Ace Barbers pa lang ang kanilang naiproklama.
Dagdag pa nito na dahil sa dami ng mga SD cards na pumalya kaya kagabi pa rin nila naiproklama ang mga nanalo sa mga bayan ng Placer, San Francisco at San Benito.
Nais ni Atty. Limbaco na maimbestigahan ang kapalpakan upang malaman ang dahilan nito lalo na’t malaking delay ang hatid nito at nang mapanagot ang dapat na mapanagot.