VIGAN CITY – Nakatakdang ibalik sa lalawigan ng Pangasinan ang 14 na baboy at 2 container ng pinaniniwalaang botcha o double dead na karne ng baboy na nakumpiska sa isang police checkpoint sa national highway ng Barangay Ayudante, Candon City, Ilocos Sur kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Provincial board member Efren “Rambo” Rafanan na ang mga nasabing karne ng baboy ay galing umano sa Sta. Barbara at San Jacinto, Pangasinan na mayroong kumpirmadong kaso ng African Swine Fever (ASF).
Ang mga nasabing baboy at karne ng baboy ay isinakay umano sa isang aluminum wing van na minaneho ni Edgar Atiagan Dela Cruz, 49-anyos na residente ng Barangay Ayusan Norte, Vigan City, kasama ang mga pahinante nito na sina Mark Bryan Piedad, 18-anyos na residente ng Barangay Ora West, Bantay at Rafael Santos, 21-anyos na taga- Upig, San Ildefonso, Bulacan ngunit temporaryong naninirahan sa San Julian Sur, Vigan City.
Wala umanong dokumentong naipakita sa mga otoridad ang driver ng aluminum van kaya hinuli ito at napag-alaman ding wala ring driver’s license ang nasabing driver.
Idedeliver sana sa Vigan City ang mga nasabing produkto kung hindi natiyempuhan sa isinagawang police checkpoint.