CEBU CITY – Sumuko ang dalawa pang mga convicted criminals sa pulisya na napalaya sa bisa ng good conduct time allowance (GCTA).
Kinilala ang mga sumuko na sina Conrado Cortes, 74, residente ng lungsod ng Mandaue, at Danilo Dela Victoria, 56, na taga-Barangay Lahug sa lungsod ng Cebu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Captain Dexter Basirgo, ang hepe ng Mabolo Police Station, sinabi nito na boluntaryong sumuko ang dalawa matapos na mabalitaan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Basirgo nahatulan si Victoris ng 30 taon na pagkabilanggo dahil sa kasong parricide at nakalabas galing sa San Ramon Penal Farm Zamboanga noong Disyembre sa nakaraang taon.
Habang 28 taong pagkabilanggo naman ang hatol kay Cortes dahil sa kasong robbery with homicide at nakalabas naman noong buwan ng Hulyo nitong taon lang.
Aniya, natakot umano ang dalawa sa shoot-to-kill order ni Duterte kaya napili na lang nilang magsurindir.
Inaasahan naman ng hepe na may susuko pang mga convicted criminals sa loob ng 15 days ultimatum ng Pangulong Duterte.
Nabatid na simula nang ipinag-utos ng Presidente ang ultimatum para sa mga napalaya dahil sa GCTA ay umabot na sa tatlo ang bilang ng mga convicted criminals na sumuko sa lalawigan ng Cebu.