-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Dalawang mga convict na nakalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) ang sumuko sa mga otoridad sa Negros Oriental.

Nasa kustodiya ngayon ng Mabinay Municipal Police Station si Ernesto Silorio Sinda, 59, dating residente ng Brgy Tambuhangin, Amlan at nakatira na ngayon sa Brgy Campanun-an, Mabinay, Negros Oriental matapos mag-surrender nitong Setyembre 7.

Si Sinda ay nakulong sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ngunit nakalaya noong Agosto 23, 2019 kasunod ng memorandum na pirmado ni dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Nicanor Faeldon.

Batay sa case record, si Sinda ay hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 30, Dumaguete City ng 40 taon na pagkakakulong dahil sa two counts ng murder noong February 1, 2001.

Samantala, boluntaryo namang sumuko sa Bayawan City Police Station si Rudy Abordo, 53, at residente ng Brgy Kalamtukan, Bayawan City, Negros Oriental kahapon ng tanghali.

Ito ay nakulong dahil sa kasong frustrated homicide at less serious physical injuries.