-- Advertisements --

NAGA CITY – Sinilbihan ng warrant of arrest ng pulisya ang dalawang tumatakbong municipal councilor sa Bombon, Camarines Sur.

Kinilala ang mga itong sina incumbent Barangay Chairman Allan Vidallo ng Barangay Pagao at incumbent Barangay Kagawad Augusto Laure ng Barangay San Roque at kapwa tumatakbong municipal councilor sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Jonel Bernal, investigator on case ng PNP Bombon, sinabi nito nahaharap ang dalawang opisyal sa kasong corruption of public officials.

Agad naman umanong nakapag-piyansa ang dalawa ng tig-P30,000.

Una nang nahuli sa entrapment operation ang dalawang opisyal noong nakaraang Hunyo 4, 2018 sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group-Camarines Sur matapos na ireklamo ang mga ito nina kapitan Rudy Clariño at kapitan Florentino Cibuc ng panunuhol ng P100,000 kapalit ng botong ibibigay kay Vidallo bilang pangulo ng Association of Barangay Councils sa nasabing bayan noong nakaraang taon.