-- Advertisements --

Naisumite na ng Department of Science and Technology (DOST) sa Food and Drugs Administration (FDA) ang kanilang rekomendasyon sa dalawang bakuna laban sa COVID-19.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOST Sec. Fortunato dela Peña na dumaan na ito sa evaluation at aprubado na ng ethics board.

Ayon kay Sec. Dela Peña, kabilang dito ang Sinovac at Clover at hinihintay na lamang ang desisyon dito ng FDA.

Sa kaso naman daw ng Jansen at AstraZeneca ay mayroon na itong ethics clearance at hinihintay na lamang ang vaccine evaluation dito.

Samantala, sa usapin naman ng solidarity trial ng COVID-19 vaccine, inihayag ni Dela Peña na hindi pa rin natutukoy ng World Health Organization (WHO) kung anong bakuna ang gagamitin sa trial.

Kaya naman hindi pa daw masimulan ngayon ang pagri-recruit ng mga taong isasali sa trial at anong age bracket ng mga indibidwal ang kukuhaning participants hangga’t wala pang paabiso ang WHO at wala pang gosignal ang FDA.