-- Advertisements --

Nagbitiw na sa pwesto sa Department of Agriculture ang dalawang senior executives sa gitna ng leadership reshuffle ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Si Senior Undersecretary Domingo Panganiban, na second-in-command noong si President Ferdinand Bongbong Marcos pa ang kalihim ay umalis na sa ahensya nitong Enero 1.

Matatandaan na binigyan siya ng Service Recognition Award noong December 2023.

Nauna nang sinabi ni Panganiban na ang kanyang serbisyo sa ahensya ay pansamantala, hanggang sa makapagtalaga si Pangulong Marcos Jr. ng isang permanenteng kalihim.

Si Undersecretary Leo Sebastian naman, na humawak sa Masagana Rice Industry Development Program mula noong Pebrero 2023, ay magreretiro na umano sa darating na Pebrero ayon kay DA spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa.

Bago ito, inatasan ni Laurel si Sebastian na maging bahagi ng Secretary Technical Advisory Group (STAG), para gamitin ang kanyang malalim na kaalaman sa sektor ng sakahan, partikular na sa produksyon ng bigas.

Noong 2022, matatandaan din na si Sebastian, na noon ay most senior undersecretary, ay naharap sa isang kontrobersya dahil sa pagpirma ng isang order ng pag-import ng asukal sa pangalan ni Pangulong Marcos Jr.

Bumaba si Sebastian sa kanyang puwesto noong panahong iyon, hanggang sa itinalaga siya muli para pamunuan ang programa ng Masagana Rice Industry noong unang bahagi ng 2023.