BAGUIO CITY – Nahaharap na ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang dalagang drug personalities matapos mahuli ang mga ito sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Purok 1, Dontogan, Baguio City.
Nakilala ang mga ito na sina Azhel Pablo Salvador alyas Esang, 19, residente ng Malate, Manila, isang high value invidividual at regional No. 10 drug personality ng PNP at si Angeline Mae Dominguez Delena, 19, residente ng Obesis Street, Pandacan, Manila, isang street level individual.
Batay sa report ng Cordillera police, ibinenta ng dalawa sa nakatransaksion nilang operatiba ang isang transparent cellophane na nakalagay sa isang pulang Chinese paper envelope na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu.
Ayon sa mga otoridad, higit kumulang sa 25 grams ang bigat ng kontrabando at nagkakahalaga ng P170,000.
Isinagawa ang operasyon laban kina Salvador at Delena matapos makatanggap ang mga otoridad ng impormasyon na ginagamit ng isang nagngangalang Alexander Serrano si alyas Esang bilang courier ng shabu.
Napag-alaman na si Serrano ay nakapiit ngayon sa National Bilibid Prison habang si alyas Esang ay anak nito.
Ayon pa sa mga pulis, nakipagtransaksyon si Serrano sa mga operatiba ng Baguio City at umarkila pa ito ng sasakyan na siyang naghatid sa kanyang anak sa lungsod kasama ang subject na iligal na droga.
Sa ngayon, nakakulong na sa Baguio City Jail sina Salvador at Delena.