CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang dalawang dalaga nang mahulog sa irrigation canal ang kanilang sinakyang motorsiklo sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Analyn Antipolo Garino, 20, estudyante, na taga Purok Rosas, Poblacion 8 at Angelie Mayola Jorillo, 25, private employee, na residente ng Purok 4, Brgy. Villarica sa bayan ng Midsayap, Cotabato.
Ayon kay Midsayap chief of police Lt. Col. Rolly Oranza na minamaneho ni Garino ang isang Bajaj 125 na motorsiklo angkas si Jorillo mula sa Fortunato Anito Street, Barangay Central Katingawan, Midsayap, Cotabato nang pagsapit nito sa bahagi ng NIA Road, Purok 9, Brgy. Villarica ay nawalan ng control ang driver at nahulog sa NIA irrigation canal.
Agad na nagresponde ang mga pulis at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP-Midsayap) ngunit patay nang maiahon sa irrigation canal ang mga biktima matapos malunod.
Nagdadalamhati naman ngayon ang pamilya ng mga biktima sa sinapit ng dalawa.