-- Advertisements --

Muling nagbukas ng spillway gate ang dalawang malalaking dam sa Luzon kasabay ng panibagong serye ng pag-ulan dulot ng hanging Amihan at Shear Line.

Nagbukas ng tig-isang gate ang Ambuklao Dam at Binga Dam at kapwa may tig-30 sentimetrong opening. Nagpapakawala ng 51.14 cms. ng tubig ang Ambuklao dam habang 50.92 cms. naman ang pinapakawalan ng Binga Dam.

Muli kasing umangat sa 751.76 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao, ilang sentimetro lamang bago maabot ang Normal High Water Level (NHWL) na 752 meters.

Umabot din sa 574.48 meters ang lebel ng tubig sa Binga dam, ilang sentimetro lamang bago maabot ang 575 NHWL.

Samantala, nagrehistro rin ng pagtaas ng lebel ng tubig sa iba pang malalaking dam sa Luzon.

Kinabibilangan ito ng Angat Dam na pangunahing nagsusuplay ng tubig sa National Capital Region at Central Luzon, Magat Dam, Caliraya, at La Mesa.