-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Mas madami pang tubig ang pinapakawalan ngayon ng Ambuklao Dam at Binga Dam sa lalawigan ng Benguet dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig sa mga ito dulot ng nararanasang malakas na pag-ulan dahil sa Bagyong Ulysses.

Ayon sa advisory ng Hydrometeorology Division ng DOST-PAGASA, binuksan ang walong gates ng Ambuklao Dam sa taas na tig-6 metro habang anim na gates naman ng Binga Dam sa taas na tig-4 metro.

Ibinabala din ng ahensia ang posibleng pagbaha sa mga cultivated land at residential areas sa target area ng Flood Warning Zone ng Ambuklao Dam.

Samantala, nawalan ng kuryente ang malaking bahagi ng Baguio City at Benguet mula pa kaninang madaling araw habang naranasan din ang unscheduled power interruption sa Mountain Province at Tinglayan, Kalinga.

Isinara din ang maraming mga kalsada dito sa Cordillera dahil sa mga insidente ng pagbaha at pagguho ng lupa, mga bato at mga natumbang puno, kung saan, isinasagawa na ang clearing operations.

Patuloy din ang pre-emptive evacuation sa ibat-ibang lalawigan ng Cordillera kung saan aabot na sa 147 katao ang lumikas sa Apayao mula pa kahapon habang pitong pamilya ang lumikas sa Tabuk City, Kalinga.