Nagpakawala ng tubig ang Ipo at Bustos dam sa lalawigan ng Bulacan matapos umabot na sa spilling level nitong araw ng Lunes dahil sa walang patid na pag-ulan dulot ng bagyong Enteng.
Sa Ipo dam, binuksan ang Radial Gate 1 at Gate B at nagpakawala ng tubig na 177.18 cubic meters per second matapos maabot ang spilling level na 101 meters.
Habang sa Bustos dam naman, nagpakawala ang 3 sa gates nito ng tubig na 156 cubic meters per second matapos maabot ang spilling level na 17.33 meters.
Bunsod nito, ipinag-utos ang paglikas sa mga residente malapit sa ilog at mabababang lugar bago magpakawala ng tubig ang nasabing mga dam.
Nag-abiso naman si Bulacan Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na maghandang luimikas para sa posibleng pagbaha at landslide partikular na sa mga naninirahan sa mabababang lugar sa probinsiya.
Sa ibang parte ng probinsiya gaya ng bayan ng Marilao, inilikas ang 80 pamilya at dinala sa temporary shelter matapos malubog sa abot tuhod na baha.
Sa Barangay San Jose Patag, Sta Maria, umabot ng 5 hanggang 6 na talampakan ang tubig baha dahil sa dumadausdos na tubig na nagmumula sa mga bundok na nagbunsod sa paglikas ng ilang mga pamilya.