-- Advertisements --

Maituturing ni Teresita Sen o “Winwyn” Marquez na double celebration ang pagsilang nito kamakailan sa first baby nila ng non showbiz boyfriend.

Nataon kasi ito na malapit sa kanyang 30th birthday nitong Mayo 4, at magdiriwang din ng kanyang unang Mother’s Day bilang ganap na ina sa araw ng Linggo, Mayo 8.

Una nang nilinaw ng anak nina Alma Moreno at Joey Marquez na naghintay lamang siya ng tamang panahon bago ianunsyo sa publiko na siya ay buntis lalo’t “very private person” ang kasintahan.

Ang first ever Pinay Reina Hispanoamericana noong 2017, ay pamangkin ni 1979 Miss International Melanie Marquez at ex-girlfriend ng actor/dancer na si Mark Herras.

Samantala, enjoy ang tinaguriang Megastar daughter na si Kristina Cassandra “KC” Concepcion sa gitna ng nagpapatuloy na taping nito sa New York para sa kakatampukang international film.

Kaugnay nito ay ipinaabot na rin ng kanyang inang si Sharon Cuneta ang pagiging proud sa narating ng 37-year-old celebrity daughter kung saan level up sa Hollywood ang career.

Pinamagatang “Asian Persuasion” ang pagbibidahang romantic-comedy film ni KC
sa ilalim ng direksyon ng Tony Award-winning Pinoy producer na si Jhett Tolentino.

Kabilang pa sa makakasama niya ang Fil-Am singer at minsang na-link na si Apl.de.Ap, dating sexy star na si “Yam” Concepcion, gayundin sina Rachel Alejandro at Tony Labrusca.

Target ang naturang pelikula na maisama sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.