-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ini-imbestigahan na ng mga otoridad ang isang ina sa Baguio City matapos ng di umano’y sadya nitong paglaglag sa kanyang ipinagbubuntis kung saan ang sanggol ay pumanaw na at nagpositibo pa sa COVID-19.

Batay sa blotter ng pulisya, ang nasabing ina ay 23-anyos, call center agent at residente ng Poliwes Barangay, dito sa Baguio City.

Nakasaad naman sa salaysay ng attending physician na itinakbo sa Emergency Room ng OB-Gyne Ward ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang nasabing ina na sinamahan ng live-in partner nito matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan.

Ayon sa doktor, inakala nila na kasagsagan ito ng pag-labor ng nasabing ina.

Gayunman, habang isinasagawa ng doktor ang internal examination ay dito niya nadiskubre ang tatlong tableta ng gamot sa loob ng pribadong bahagi ng nasabing ina.

Dahil dito, inulit ng doktor ang internal examination at doon ito nakadiskobre ng karagdagang tatlong kaparehong tableta ng gamot.

Ayon sa doktor, ang mga nadiskobre at nakober niyang tableta ay misoprostol.

Batay sa impormasyon, ang misoprostol ay ginagamit para masimulan ang pag-labor ng isang buntis, pampalaglag at gamot sa pagdurugo ng ina na katatapos lamang manganak.

Sa pag-imbestiga ng doktor, inamin umano ng nasabing ina at live-in partner nito na binili nila ang mga tableta sa online sa halagang P5,700.

Giit ng doktor, ginawa nila ang lahat para hindi manganak ang ina dahil premature ang sanggol na nasa 27 weeks o higit anim na buwan.

Gayunman, pinapayagan niyang isilang ng ina ang sanggol para mailigtas ang bata dahil umipektona ang mga gamot na ginamit ng ina.

Matapos manganak ay na-confine ang mag-ina sa intensive care unit ng BGHMC ngunit pumanaw ang sanggol, dalawang araw matapos isilang ito.

Isinailalim ang sanggol sa swab test at batay sa resulta na inilabas kahapon, positibo ito sa COVID-19.

Nananatili naman ang nasabing ina sa BGHMC habang hinihintay ang resulta ng swab test nito.

Samantala, temporaryong isinara ang OB-Gyne Ward ng BGHMC para sa disinfection at contact tracing.