BAGUIO CITY – Arestado ang dalawang dayuhang estudyante dahil sa pagbiyahe ng mga ito ng marijuana sa isinagawang checkpoint operation sa bayan ng Lamut sa Ifugao kahapon.
Nakilala ang mga suspek na sina Saffi Mohamednur, 28, naninirahan sa Veraville, Las Piñas City at si Negash Abede Natnael, 24, naninirahan sa Leveriza St., Asiawealth, Pasay City kung saan tubo ang mga ito ng bansang Eritrea.
Ayon sa PDEA-Cordillera, sumakay ang dalawa sa isang pampasaherong bus mula Bontoc, Mt. Province patungo ng Cubao.
Gayunman, nahuli ang mga ito matapos makumpiska sa kanila ang mga kontrabando na nakita sa isinagawang checkpoint operation.
Nakumpiska sa dalawang dayuhan ang anim na tubular form ng dried marijuana leaves na nagkakahalaga ng P780,000.
Napag-alaman nag-expire na ang student visa ng mga ito noon pang nakaraang taon.
Nahaharap ngayon ang mga nasabing dayuhan sa kasong paglabag ng RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.